Thursday, December 16, 2004

ang sikreto ng malakompyuter na mag-isip kong kaibigan

kung memory ang pag-uusapan, talo pa ang tatlong hard drives na inilagay sa pinakabagong kompyuter.

kung bilis lang sa pagdedevelop ng ideya, talo pa ang pinaghalong google, yahoo at msn search engines (bagong natutunan ko nito lang).

kung usapin ng pasensya, hinigitan ang malalaking industrial fan na isinaksak sa loob ng kompyuter.

yan ang isang kaibigang kasama ko sa bahay at buhay ngayon. kasama sa bahay kasi nakatira kami sa bahay. kasama sa buhay dahil pareho kami ng ginagawa bagamat magkaiba ng trabaho.

natunghayan ko ang lahat ng yan sa araw araw na magkasama kami at kumikilos. at napagtanto ko ngayon yan. ngayong gabi.

matutulog na dapat ako kasi pinaplano kong gumising ng maaga para mag-gym. mag-aalas dos na (lagpas alas dos na ngayon) at kinakailangan ko ang sapat na oras sa pagtulog. pero hindi sya. hindi sa mga huling araw (at kahit pa noong una akong tumuntong dito sa hong kong) at lalong hindi sa gabing ito (at sa tingin ko kahit sa mga darating na araw, buwan at taon).

hindi naman ako kinakailangang umupo sa sharing nila ng kasama kong dumating mula sa maynila para pag-usapan ang mga naganap nitong huling araw at ang mga posibleng nagaganap. imbyerna sya (kung yun ang tamang gamiting salita) sa isang kasamahan nyang ubod ng bagal at talaga namang me pagkatamad kumilos.

inilatag nya ang mga naganap at hindi naganap dahil na nga rin sa kakuparan ng mga naging developments sa paghahanda sa isang tila simple sa unang tingin na aktibidad. mula doon, inut-ot nya ang mga bagay-bagay kasama ang kasama naming dumating mula sa pinas at ang ilan pang mga kasambahay.

nagitla ako (kahit hindi na bago ito sa akin) sa bilis ng kanyang pagtukoy ng mga kahinaan ng mga kasamang nainvolve sa paghahanda, sa pagpaplano hanggang sa mismong pagpapatupad ng mga gawain at hanggang sa mismong magiging implikasyon kung hindi ito maipapatupad.

isang simpleng gawain sa gitna ng napakaraming dapat tapusin at tila sa unang tingi'y mas mahahalaga pang mga gawaing dapat mapagtuunan ng pansin at panahon. isang simpleng gawaing pinagtuunan nya ng pansin at panahon.

dito ko napag-isip kung paano at gaano kahusay ang kaibigan kong ito. mahusay sya dahil mabilis syang kumilos sa mga bagay. mahusay dahil ang galing na kanyang natutunan sa tagal na rin nya sa paggawa ng mga ginagawa nami'y hindi nya ipinagdadamot kundi'y ipinamamahagi pa sa mga tao. tinuturuan nya ang mga taong nakakaisip nya kung paano mag-isip.

sabi nga nya, huwag iisiping lahat ng bagay ay okey na. dahil hindi laging okey ang mga bagay. kahit pa sa tingi'y nagagampanan naman ang lahat at umuungos ang mga naging paghahanda, huwag mag-assume na thumbs up na ang lahat ng aspeto ng mga paghahanda. walang problema sa pagiging okey at pagkatuwa sa mga pag-unlad pero huwag maging kampante.

mahirap nga namang maging assumptionista. mahirap (at kadalasa'y mapanganib) ang laging pag-assume.

sa lahat ng ito, inisip ko kung dala ba ito ng pagkain nya ng mga maaanghang na mga bagay - mula sa pagkahumaling sa wasabe hanggang sa pagkain ng mga masisiling pagkaing nabibili sa thai restaurants. inisip ko rin kung dala ba ito ng kanyang pagiging hyperactive (pero naisip ko hindi, dahil hindi naman sya pawisin. as if may kinalaman ang pagiging pawisin ng isang tao sa hyperactivity.)

naalala ko ang sabi ng isa pa naming kaibigan - ang sili sa puwit.

ang sili sa puwit na nagmumula sa nakakapang-almuranas na kalagayan ng mga tao sa daigdig, kahit pa sabihing paliitin pa sa kalagayan ng pilipinas.

hindi pantay ang kalagayan ng mga tao sa atin. may mga mayayaman at may mahihirap. may nagsasamantala at may pinagsasamantalahan. ibig sabihin, may kontradiksyon. may tunggalian.

ang tunggaliang nagpapaigting sa hidwaan. ang tunggaliang hindi masasagot ng simpleng 1 + 1 = 2.

at dahil doon, natututo ang taong bumilis sa pag-iisip dahil sapat nga naman talagang marunong magbasa, magbilang, magsulat ang isang tao para suriin ang kanyang pwesto sa lipunan. at malamang hindi pantay-pantay ang kalagayan at katayuan ng mga tao sa atin at sa buong mundo.

simplistiko man itong nasabi ko pero wastong sabihin magandang tanungin kung ano rin ang tindig ng isang tao sa gitna ng ganitong kalagayan, ganitong sitwasyon, ganitong realidad.

at sa kahuli-hulihan, hindi na sumasapat na nag-aaral ka na lamang. hindi na sumasapat na alam mo lang.

sa bilis ng pag-iisip ng mga kaaway ng maraming pinagsasamantalahan, kinakailangan ang mabilis na pag-iisip at paggampan ng mga gawain para maharap at maresolba ang mga problemang nakahapag sa mesa (at nakatago sa ilalim nito, sa upuan at maging yaong nasa sahig.)

mula sa pagsipat ng mga problema, muli ang tanong na kung kanino ka papanig.

at pag nasagot mo na ang lahat ng tanong na ipinuwesto ko sa taas, marahil matatanto na ang sikreto sa mala-kompyuter na mag-isip kong kaibigan.

wala sa dunong na natutunan sa eskwelahan. wala sa dami ng librong teknikal. kasama ang lahat ng iyan sa mas mahalagang paglubog sa malawak na kaparangan ng tao.

ang sili sa puwit ng aking kaibigan. ang siling akin ngayong itinanim sa aking kaloob-looban.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home